WheelChairs on the Go Ni Dating Board Member Ranjit Ramos-Shahani, Gumulong Na
Magdadalawang taon ng hirap sa paglakad ang walumpu’t walong taong gulang na si lola Sofia Lapitan mula barangay Macalong.
Ayon kay Thelma Tabogader pamangkin ni lola Sofia, sitenta (70) anyos ng magsimulang makakitaan ang matanda ng sakit na osteoarthritis.
“Meron na siyang osteoarthritis pero noong pandemya hindi na po siya masyadong nakakalakad saka uugod ugod na rin po siya siguro dahil sa edad na rin niya” ani ni Tabogader.
Ang osteoarthritis ay isang uri ng rayuma na kalimitang naaapektuhan ang joints sa kamay, balakang at tuhod. Isa itong uri ng degenerative disease na nangyayari kapag napupunit ang cartilage o protective cushioning sa’ting buto.
Puwedeng dulot ito ng pagtanda o ng madalas na pagbubuhat ng mabibigat. Ayon pa sa DOH, 16% ng mga Pinoy ay may osteoarthritis at karamihan sa mga apektado nito ay nasa 45 anyos pataas.
Kaya laking tuwa na lamang ni Lola Sofia na mapabilang siya sa mabibigyan ng bagong wheelchair mula kay dating board member Ranjit Ramos-Shahani.
“Masaya po kasi nagkaroon po yung auntie ko ng wheelchair tapos makakapunta rin siya sa kapitbahay, kung may lakad po sila may magagamit na po siya at kung kailangan magpatingin sa doktor.” dagdag ni Tabogader.
Nito lamang lunes ay personal na ibinigay ni Ramos-Shahani ang nasa dalawampu’t limang piraso ng bagong wheelchair.
Ayon sa dating board member inaalay niya ang proyektong ito sa namayapang ina na si dating Senadora Leticia Ramos-Shahani na isa sa mga naging adbokasiya ay ang pagtulong sa mga mahihirap, kababaihan at sa may kapansanan.
Layon din ng proyekto na ito na matulungan lalong lalo na ang mga residente na walang kakayanang bumili ng wheelchair.
Nakatakdang ibigay ang pangalawang batch ng libreng wheelchair ngayong July 24.
Nagkakahalaga naman ng tatlong daang libong piso (P300,000) ang nasabing proyekto.
Sa naging mensahe ng dating board member pinapurihan din niya sina Mayor Carlos Lopez Jr. at Perry Tendero ang Municipal Senior Administrative Assistant ng LGU Asingan sa pagbibigay ng rekomendasyon sa mga dapat gawing mga proyekto sa bayan ng Asingan.
Pinasalamatan din niya ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Heidee Chua sa maayos na pamamalakad at pagkakaisa upang maging lalong progresibo ang bayan.