VOTER REGISTRATION TUWING ARAW NG SABADO, TIGIL MUNA SIMULA NOV. 9 – COMELEC ASINGAN
Simula ngayong Nobyembre 9, mula Lunes hanggang Huwebes na lamang ang voter registration sa COMELEC Asingan para bigyan daan ang disinfection tuwing biyernes, alinsunod sa Resolution No. 10674.
“Binalik ulit ngayon kasi di ba dati ang ginawang registration tuesday to saturday para mabigyan ng pagkakataon yung mga nagtratrabaho para saturday pupunta sila, kaso first two saturdays medyo marami, susunod wala na.” ayon kay COMELEC Officer Leny Masaoay.
Hanggang sa ngayon ay suspendido pa rin ang satellite registration sa mga barangay bilang precautionary measure para limitahan ang posibleng exposure ng mga tao sa COVID-19 infection.
“Nakipag-coordinate ako sa liga ng mga barangay tapos ang hiniling ko sa kanila na para mapadali sa mga botante na pumunta ditong magparegister, utusan yung mga BHW o kaya mga barangay kagawad, magpalista ang lahat ng qualified voters o yung mga gustong magparegister o magpa transfer, magpa-correct sa kanila and then isa-submit kay Kapitan para i-consolidate yung pangalan. Then ifo-forward naman ni kapitan sa akin para iverify namin kung sila ay registered na o kung yung application nila ay for correction.” dagdag Masaoy.
Sang-ayon naman dito si Ariston West Punong Barangay Roy Castner Chan.
“Pabor ako kasi sa proseso para maiwasanan natin yung contact kasi nga may iniiwasan tayong virus. Pinaka-advantage ang nakikita ko, sa barangay pa lang nasasala na natin kung qualified po ba silang magrehistro bago pumunta ng COMELEC.” ani ni Chan.
Iminumungkahi naman ni Ariston East Punong Barangay Rene Villanueva ang pagsasagawa ng biometrics sa mga botante ay gawin na lang kada barangay.
“Ang gagawin na lang natin para mas madali kukunin muna yung mga datos halimbawa yung mga magpaparehistro. Kapag once na nakuha mo na lahat yung mga datos nila, magbibigay sila [Comelec Asingan] ng form nafill-upan, tapos pupunta na lang sila dito yung mismong taga-COMELEC para di na mamasahe yung botante, so minsanan na lang” saad ni Villanueva.
Samantala, bukas ang tanggapan ng COMELEC Asingan mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon Lunes hanggang Huwebes.
Romel Aguilar / JC Aying