PHOTOGRAPHER MULA PANGASINAN PANALO SA ISANG INTERNATIONAL PHOTO CONTEST
Tunay na ang gawang Pinoy , pang-world class talaga!
Pinatunayan ito ng dalawampu’t anim taong gulang na Pangasinenseng tubong Asingan, Pangasinan na si John Lorenzo Javier, na nagbigay ng karangalan sa Pilipinas matapos maibulsa ang first prize sa Our Times/New Normal category ng prestiyosong International Photography Awards sa Los Angeles, California.
“Gulat na gulat po talaga ako hindi ko po inaasahan na mananalo ako, hindi po talaga ako sumasali sa mga competition kasi never ko naman inisip na mananalo ako, nagbakasakali nga lang ako for this particular competition.” ani ni Javier.
Ipinapakita sa larawang kuha ni John Lorenzo na may pamagat na “Aquarium” ang isang tindera sa palengke na nagpakita ng diskarte sa paglagay ng barrier at nagpaalala ukol sa social distancing.
“Deserve po nila na makita ng mga tao yung trabaho po na they are putting in, tapos po gusto ko na rin po na maibahagi sa ibang bansa kung paano hinaharap ng mga pilipino yung pandemya. ” kwento ni Javier.
Si John Lorenzo ang kauna unahang pinoy na nanalo sa International Photography Awards na tinuturing na katumbas ng Oscars Award naman sa pelikula.
Siya ang nag iisang anak ng mag asawang Lingingay at Joseph Javier mula sa Barangay Ariston West.
Sa kasalukuyan nagtratrabaho siya bilang photographer sa pribadong kumpanya sa nakalipas na limang taon.
“Kahit ano pong camera pwede pong maging tool para matuto, pero yung pinakamahalaga po kasi talaga yung maikuwento po yung gusto niyong pong sabhin through the picture. I think lahat tayo may capability na po magshoot na mag take ng picture mag explore kung ano pa po ang pwede natin gawin with our camera phone. It really takes a lot of time and a lot of practice.” dagdag ni Javier.
Umabot sa dalawampu’t limang libo piso (P25,000) ang naiuwi nyang premyo sa nasabing competition.
Romel Aguilar