Pagvi-Videoke, Karaoke at pag gamit ng Lound Speaker, Mas hihigpitan pa sa Barangay Ariston East
Tapos na ang maliligayang araw ng mga hari at reyna ng mikropono sa Barangay Ariston East. Ito ay matapos ihain ng barangay council ang bagong ordinansya sa Sangguniang Bayan ng Asingan na nagtatakda lamang ng limitasyon sa oras ng paggamit ng videoke, karaoke at loud speakers.
“Kasi marami pong magsasaka po doon sa amin [Ariston East], kailangan kasi nila matulog ng maaga, ang problema nila kasi maingay. Kaya naisipan namin na gumawa ng ordinansa para ma-limit po yung paggamit po nila [Videoke]. Pati na rin mga estudyante para hindi maapektuhan yung pag aaral nila.” paliwanag ni Punong Barangay Rene Villanueva.
Sinegundahan naman ito ng district councilor ng Ariston East, Ariston West at Bantog na si Councilor Joselito Viray.
“Magandang bagay ho yun [ordinasa] kasi alam naman po natin na tuwing gabi madami pa rin ang gumagamit ng videoke. So maganda yung propose ordinance ng barangay dahil gusto talaga nila mabawasan or paggamit ng videoke sa kanilang barangay.” ani ng konsehal.
Nakapaloob sa naturang ordinansa na papahintulutan lamang ang paggamit ng videoke, karaoke o loud speakers mula alas siyete ng umaga (7AM) hanggang alas nuebe ng gabi (9PM) kabilang na dito ang birthday party.
Habang bibigyan naman ng special permit kapag ang mga okasyon ay kagaya ng kasal o last night. “Wag naman yung dahil may special permit sila eh pwede pa rin yung sobrang ingay yung videoke or karaoke or sound system nila. Syempre i-lower down pa rin naman nila yun kasi hindi naman porket binigyan natin sila ng exemption eh mag iingay sila hangga’t kaya ng mga tenga nila di ba po?!” ani ni Konsehala Ira Chua.
Papatawan naman ng isanglibong piso (P1,000) na penalty ang mga mahuhuling lalabag sa ordinansa.
(Mel Aguilar, JC Aying / Asingan PIO)