P3 Milyong Pisong Sahod Para sa TUPAD Beneficiaries ng Dole, Tinanggap ng LGU Asingan
Ngayong araw ay personal na tinanggap ni Asingan Mayor Carlos Lopez Jr. mula kay Mary Antonette Tobias-Avila, Field Office head ng Department of Labor and Employment (DOLE) Eastern Pangasinan, ang tseke na nagkakahalaga ng P3,028,000 pesos galing sa DOLE Region 1, bilang sahod para pitong daan at limampu’t pitong (757) Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced /Disadvantaged (TUPAD) beneficiaries.
“Nagpapasalamat ako ng taos puso sa ating mahal na Secretary Bienvenido Laguesma sa kanyang agarang aksyon sa ating pong kahilingan na magkaroon po ng TUPAD dito po sa ating bayan para po sa mga nawalan ng trabaho at yung mga nangangailangan ng trabaho” pahayag ng alkalde.
Bawat benepisyaryo ay tatanggap ng P4,000 kapalit ng sampung (10) araw na pagtratrabaho.
Nakatutok ang TUPAD program sa mga proyektong pang-komunidad tulad ng pag-aayos, paglilinis, o pagpapanatili ng mga pampublikong pasilidad.
Samantala ayon sa DOLE Region 1, umabot na sa P320 Million pesos ng emergency employment assistance para sa 66,357 informal workers sa rehiyon uno ang naibigay na mula Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan din nia PESO Manager Rizalina Aying, Municipal Accountant Marjorie Tinte, Municipal Treasurer Imelda Sison at Mary Jane Hupano.