Mahigit na 6K na Bagong BHW sa Pangasinan Magkakaroon ng Pagsasanay sa Effective Primary Health Care
Sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay hinggil sa Effective Primary Health Care ang pitumpu’t limang (75) bagong talagang Barangay Health Workers (BHW) mula sa dalawampu’t isang (21) barangay ng Asingan.
Dito ay tinalakay ang iba’t-ibang programa gaya ng First Aid and Basic Life Support, Rabies Program, Blood Program, Environmental Program, Nutrition Program, Child Health and Immunization Program at marami pang iba pa.
Ayon kay Alegria Almajano, ang kasalukuyang BHW Provincial Federation President ay sasailalim din sa nasabing pagsasanay ang humigit kumulang na anim na libong (6,000) bagong health workers na unang binuksan sa bayan ng Asingan sa taong ito.
“Ito po yung training ng mga newly appointed BHW, requirement po ito para sila ay maregister. Dapat meron po silang training, ang purpose nito ay para malaman nila yung mga programs ng Department ng Health. Kasi kami po ang partner ng ahensya sa implementation po ng mga programs nila at matulungan po ang LGU namin sa pagpapatupad nito.” pahayag ni Almajano.
Kabilang sa mga nagbigay ng kanilang mga mensahe sina Asingan Mayor Carlos Lopez Jr, Vice Mayor Heidee Chua at Councilor Marivic Robeniol.
Bukod sa mga bagong BHW ay may labing isang libo (11,000) health workers na nanatili sa kanilang mga posisyon.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng Provincial Health Office katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Asingan sa pamamagitan ng Rural Health Unit.