LGU ASINGAN MAGLALAGAY NG SAFETY SEAL SA MGA ESTABLISYEMENTONG PAPASA SA PUBLIC HEALTH STANDARDS
Gamot na pang maintenance at ilang essential goods ang karaniwang binibili ng mag asawang senior citizen na sina Cristina at Irenio Samson tuwing pupunta ng supermarket.
Alam nilang delikado ang panahon ngayon dahil sa pandemya at hindi pa rin sila nababakunahang mag asawa, pero kinailangan nilang lumabas dahil wala namang ibang mautusan.
“Kaya nga dito kami namimili [SuperMarket] kasi alam namin na sumusunod sila sa health protocol kaya alam namin na safe kaya dito kami nagpupunta.” pahayag ni Lolo Irenio.
Kahapon nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Asingan ng inisyal na inspeksyon sa mga business establishments na layong matiyak na malagyan ng safety seal ang mga establisyemento na susunod sa health standards.
“Ok yun kasi para naman sa kabutihan ng tao yun eh atleast pag naghigpit ng ganun para sa safety lang din namin, kaya ok lang yun walang problema sa amin mas gusto nga namin para kahit paano alam namin na safe kami.” dagdag ni Lolo Irenio.
Alinsunod ito sa Joint Memorandum Circular 21-01 series of 2021 na inilabas ng DILG, DOLE, DTI, DOT at DOH at isinusulong ng Pamahalaang Nasyonal na Safety Seal Certification Program.
Ilan sa mga ito ay ang pagsusuot ng face masks, face shield, pag-obserba ng social distancing, paglalagay ng foot bath, hand sanitizer o alcohol , pagkakaroon ng thermal scanner at record book sa bawat establisyemento.
“Malaking hakbang po ito para maiwasan po natin ang pagkalat ng sakit na Covid 19 at para maprotektahan po yung kliyente po namin, kaya bilang pagsunod nagparehistro na rin po kami dito sa Asingan.” ani ni Godfrey Fulgosino, Branch Manager ng isang bangko.
Maaaring mag-apply online ang mga negosyonte via https://forms.gle/vgzNgaFLe2FQFDATA , ipakita ang business at mayor’s permit, upang maisailalim sa inspeksyon ng auditing team.
Paglilinaw ni Mayor Carlos Lopez Jr. na ang pagkakaroon ng safety seal ay libre at hindi gagastusan ng business owner.
“Tayo ang papasyal sa kanila so magiging standard yan, yan na ang gagamitin na basis na sila talaga ay nagco-comply kaya lahat ng mga miyembro ng Committee i-ivaluate niya yung mga establishment at irerequire sila na i-comply nila yung mga requirements para mabigyan sila ng safety seal. Without that safety seal di sila mare-recognize as a compliant doon sa requirement na for next year yung ang magiging basis ng pagkuha ng lisensya.” saad ni Mayor Lopez.
Romel Aguilar / Photo JC Aying