GATAS NG KALABAW IN CAN NA; 1.8 MILLION PIRASO TARGET MA-IDISTRIBUTE SA MGA ESTUDYANTE NG DEPED NGAYONG TAON
Kilalang-kilala ang bayan ng Asingan sa Pangasinan sa kanilang one town one product na gatas ng kalabaw, kaya naman dinarayo ito ng mga turista.
Ipinagmamalaking Dairy Box ng bayan ay ang iba’t ibang produkto ng gatas ng kalabaw gaya ng yogurt (mango, strawberry, blueberry, at chocolate flavor), corn flavored ice cream, pastillas, polvoron, nutribun (milky bun) at fresh milk.
Bilang pagdiriwang ng ika-tatlumpong taong anibersayo ng Bantog Samahang Nayon, naglabas ng bagong packaging ang Dairy Box, kung saan ang dating gatas ng kalabaw na naka bote at tetra pack ngayon ay “In Can” na.
“Ito yung ating dinadala sa mga school sa mga malalayong lugar, so kailangan po natin ilagay sa lata para mas preserve pa at kahit na malayo ang kanilang hindi ito nasisira kahit anim na buwan.” ani ni Rolly Mateo Sr., ang Chairman ng Bantog Samahang Nayon Multi- Purpose Cooperative.
Ayon din kay Mateo Sr. abala ang kooperatiba sa produksyon upang makapaglaan ng isang milyong at walong daang libong “in can” na gatas ng kalabaw para sa mga mag aaral mula sa Department of Education (DepEd) na sinimulan ng katapusan ng buwan ng Hulyo nitong taon.
Ang bawat de lata (180ml) ay nagkakahalaga ng dalawampung piso, na inaangkat din sa mga lugar gaya ng Anda, Bolinao at iba pang bahagi ng Western Pangasinan.
Sa ngayon ay hindi pa ito bukas sa merkado. Ang mga ginamit na lata ay mula sa San Miguel Corporation
Samantala sa susunod na buwan inaasahan ang pagbubukas ng 2-storey building restaurant kung saan tampok dito ang state of the art kitchen na tatawaging “Letty’s Delight Restaurant” bilang pagkilala sa naunang nagsulong ng Dairy Industry sa Asingan na si dating Senadora Leticia Valdez Ramos-Shahani na makikita sa unang palapag.
Sa pangalawang palapag naman ay naka-display ang lahat ng paninda ng mga miyembro ng Bantog Samahang Nayon Multipurpose Cooperative sa “Dairy Box”.
Kabilang sa mga dumalo sa ika-tatlumpong taong anibersayo ng Bantog Samahang Nayon Multi- Purpose Cooperative ay sina Assistant Secretary Virgilio Lazaga ng Cooperative Development Authority, Provincial Director ng Philippine Carabao Center-Don Mariano Marcos Memorial State Vilma Gagni, Director Natalia Dalaten ng DTI Dagupan, Director Josefina Bitonio ng CDA Region 1, dating Provincial Director ng Philippine Carabao Center-Don Mariano Marcos Memorial State University na si Gloria Dela Cruz, miyembro ng Sangguniang Bayan ng Asingan at Mayor Carlos Lopez Jr.
Romel Aguilar / Photo JC Aying