Matagal ng pasanin ng mga magsasaka ang kawalan ng maayos na daloy ng tubig sa kanilang palayan sa barangay Carosucan Sur sa bayan ng Asingan
Kabilang sa nahihirapan si Michael Caballero, Presidente ng walumpu’t apat (84) na miyembro ng Carosucan Sur Farmers Association.
“Yung agusan ng tubig maliit na po saka mababaw, nag aaway-away na po yung mga farmers gawa ng sa tubig. Eh ngayon yung mga tanim nila na itong mga “bunubon” kailangan na po ng tubig talaga, kaya sa tulong ni Mayor [Lopez Jr.] nandyan na po yung backhoe. Simula ng nahukayan na yung “ayusan” pumasok na yung tubig.” kwento ni Caballero.
Nitong lamang nakaraang linggo, nagsagawa ng inspeksyon ang alkalde sa ginagawang pagsasaayos sa dalawang kilometrong irrigation canal.
“Ang problema hindi aagos yung tubig because silted yung irrigation canal, so ang ginawa natin inayos natin siya starting doon sa source pababa para mapalalim yung hukay para talagang aagos yung tubig.” pahayag ni Mayor Lopez Jr.
Ang paghuhukay ay aabot sa dalawa’t kalahating metro at magtatagal ng sampung (10) araw. Tinatayang nasa halos dalawandaang (200) ektaryang sakahan na ang pangunahing pananim ay palay, mais at iba’t ibang gulay ang matutulungan kapag natapos na ang proyekto.