Cash Gift Para sa Edad na 80,85,90 at 95 Posibleng Ipatupad sa 2025 ayon sa DSWD Region 1
Makatatanggap na ng P10,000 cash gift mula sa gobyerno ang mga Pilipino na magdiriwang ng kaarawan na 80, 85, 90, at 95, matapos na pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nito lamang Pebrero, ang inamyendahang Centenarian Act.
Pero ayon sa Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO1) maaring sa susunod na taon pa ito maipapatupad.
“Yung batas po na yan ay kasalukuyan pang binabalangkas ang kanyang implementing rules and regulations sa national level. At siyempre ipropropose din po yan sa ating general appropriation act kaya sa ngayong taon po na ito hindi pa po siya nag uumpisa. Pero tayo po ay umaasa na susunod na taon ay magkakaroon na po siya ng pondo at maari na po nating isagawa.” ani ni Anniely J. Ferrer, Social Welfare Officer V OIC-Assistant Regional Director for Operations ng DSWD Region 1.
Sa kasalukuyan ay nasa 607,600 na indigent senior citizens mula sa rehiyon uno ang tumatanggap ng social pension na may halagang 12,000.00 kada taon.
Ito ay sa pamamagitan ng Republic Act 9994 o the expanded senior citizens act of 2010.
Nasa 705 naman mga centenarian ang nabigyan na rin ng insentibo ng ahensiya ito ay ayon kay DSWD FO1 Regional Director Marie Angela Gopalan.