BILANG NG MGA NABAKUNAHANG SENIOR CITIZEN SA BAYAN NG ASINGAN NANANATILI PA RING MABABA; NASA KATEGORYANG A4 HILING NA MASIMULAN NA RIN MATURUKAN
Sa kabila ng pagiging prayoridad ng mga senior citizen, ay nananatili pa ring mababa ang bilang ng nabakunahan laban sa COVID-19 sa bayan ng Asingan.
Base sa huling datos na inilabas ng Rural Health Unit ng Asingan, umaabot pa lamang sa mahigit 2,857 o 39% ng mga senior citizen ang nakatanggap ng kumpletong bakuna.
Dahil dito ay muling nagpaalala si Mayor Carlos Lopez Jr. sa hanay ng mga senior citizen na magpabakuna na at huwag ng mamimili ng ipapabakuna sa kanila.
“Pakiusap natin sa ating mga mahal na senior citizen na ito po’y kailangan na pong tugunan natin yung pagdesisyon po ninyo na magpa-vaccine dahil ito po ay karapatan ninyo. Hanggat di kayo nakadesisyon tatagal po tayo sa vaccination program ng ating munisipyo. Hangga’t mayroong available na vaccine samantalahin po natin. Ako nga po naturukan ng Sinovac eh bakit po ayaw niyo ng Sinovac kung yung Johnson and Johnson dati ang dami ninyo pero ito wala na naman.”
saad ng Alkalde.
Umapela naman si Jose Venenciano, Principal IV ng Luciano Millan National High School (LMNHS) na isama na rin ang mga nasa economic frontliners o kategoryang A4 sa listahan ng dapat mabakunahan.
“Sana pagtuunan din ng pansin yung mga workforce natin kasi sila po talaga yung lumalabas dapat pagka ayaw ng mga senior citizen na magpa -inject or magpabakuna eh di dapat gawin na lang doon sa A4 kasi sila naman ang parating lumalabas and besides sila naman yung nagtratrabaho at nagmamaintain ng ekonomiya.” apela ni Venenciano.
Nakiusap naman si Mayor Lopez Jr. sa pamamagitan ng sulat sa pamunuan ng Department of Health na bigyan ng konsiderasyon na mabakunahan ang nasa kategoryang A4.
“Ang suggestion na ng RHU natin, di ba nagrelease naman tayo waiver form noon? kung hindi na sila talaga magpapavaccine magwaiver na sila. Lahat ng waiver ng mga senior citizen na duly sign by them isusubmit natin sa DOH para mag request na tayo sa DOH na magmomove na tayo sa A4. Kasi ang A4 ang pinaka-importante ring isa, kasi andyan lahat yung mga kumakayod para may kainin ang pamilya sa araw araw.” ani ng alkalde.
Samantala ngayong araw August 10 muling isinagawa ang pagbabakuna sa tatlong daan at walumpu’t walo (388) na Persons with Comorbidities o A3 at isandaang market vendors.
Sa kabuoan ay nasa nasa halos anim na libong residente o 13% ang fully vaccinated na sa Asingan.
Romel Aguilar / photo JC Aying