Official LGU Website of Asingan Pangasinan

Arya Asingan


News and Events

Bayan ng Asingan, Kabilang sa 74 LGU na Nabiyayaan ng Bagong Fire Truck ng DILG at BFP

Feb
21,
2023
Comments Off on Bayan ng Asingan, Kabilang sa 74 LGU na Nabiyayaan ng Bagong Fire Truck ng DILG at BFP
Sa tuwing may insidente ng sunog at sakuna, mga bumbero ang unang rumeresponde kahit na madalas nalalagay sa panganib ang kanilang buhay.
Ngayong taon, nasa mahigit animnaraang sunog na ang naitatala sa buong bansa batay sa datos ng Bureau of Fire Protection.
Aminado ang BFP na apektado ang operasyon nila taon-taon dahil na rin sa kakulangan ng kagamitan partikular na ang fire truck.
Kaya naman aktibong isinusulong ng ngayo’y nakaupong Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Secretary Atty. Benhur Abalos na matugunan ang pangangailangan hinggil dito.
“Karamihan ng ating mga fire truck ay medyo luma na pero kailangan nating palitan, kaya tayo ay gumagawa ng paraan upang mapabilis ang pagbili natin ng makabago at modernong mga sasakyang pangresponde sa mga nasunugan. ” ani ni Secretary Abalos.
Nitong lunes February 20, pinangunahan ni Secretary Abalos at Bureau of Fire Protection Chief, Fire Director Louie Puracan ang pamamahagi ng pitumpu’t apat (74) na bagong mga fire truck sa ibat-ibang Local Government Units sa bansa.
Isa sa nabiyayaan ang bayan ng Asingan dahil na rin sa inisyatibo ni Mayor Carlos Lopez Jr. na tinutukan ang mga kinakailangang kasangkapan ng mga bumbero.
“Actually isang surprise ito dahil hindi ko din alam na maaprubahan yung request natin kasi last December pa yun eh. Alam mo yang mga yan eh pinush talaga na agaran na magkaroon tayo ng mga fire truck natin sa Asingan. So syempre po malaking tulong yan of course ma-upgrade yung ating mga gamit lalong lalo na sa pamatay sunog kasi yan ay basic necessity sa pagrescue.” pahayag ng alkalde.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Lopez Jr. sa mga tumulong kagaya nila Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., Secretary Conrad Estrella III, Governor Ramon Guico III at 6th District Congresswoman Marlyn Primicias-Agabas.
Noong nakaraang taon nagbigay na ng tatlong daang (300) milyong pisong pondo ang Chairman on Committee on Finance ng Senadao na si Senador Sonny Angara para sa procurement ng mga bagong fire truck at maglalaan pa ng dalawandaang (200) milyong piso ngayon 2023.
“Sang-ayon po ako sa sinabi niya sa kanyang talumpati na dapat kada munisipiyo, kada lungsod at kada lalawigan ay dapat mabigyan ng isang de-kalidad na firetruck ng Bureau of Fire Protection. Kami ay nakikiisa sa inyong selebrasyon.” saad ng senador.
Kabilang din sa nabigyan ng bagong fire truck sa rehiyon uno ay ang bayan ng Villasis para sa Pangasinan, bayan ng Bacnotan at Naguilian sa La Union at ang Vigan City Sa ilocos Sur.
Ang mga fire truck ay may kapasidad na magkarga ng 3,800 liters ng tubig o katumbas ng isanlibong (1,000) galon.
Kabilang din sa mga dumalo sina SF03 Froilan Esperon at F02 Jayson Enriquez ng BFP Asingan.

Previous

Next

Comments are closed.

More
To the top