Basic Life Support na CPR, Itinuro sa Mahigit 100 BHW, Tanods at TODA-Asingan Bilang bahagi ng Selebrasyon ng National Disaster Resilience Month
Isang sanhi ng pagkamatay ng mga pinoy ay ang sakit sa puso.
Ayon sa Philippine Heart Association, dalawa sa bawat sampung Pilipino ang pwedeng magkaroon ng cardiac arrest.
Nangyayari ang cardiac arrest kapag biglang huminto ang pagtibok ng puso at dahil dito, humihinto rin ang pagdaloy ng dugo patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isa itong delikadong sitwasyon na kung hindi matutugunan sa lalong madaling panahon, ay maaaring ikamatay sa loob lamang ng ilang minuto.
Kaya naman bilang bahagi ng aktibidad ng National Disaster Resilience Month ay isinigawa ng Local Disaster Risk Reduction Management Office (LDRRMO) katuwang ang Philippine Red Cross Pangasinan Urdaneta Branch ang pagtuturo ng first aid treatment na Cardiopulmonary resuscitation o CPR.
“Alam mo ngayon kasi ang dami ng nangyayaring mga emergency, so kailangan talaga natin bigyan ng sapat na kaalaman ang mga kababayan. Lalong lalo na yung mga nasa barangay kaya nga tinawag natin ang mga BHW, CVO at mga miyembro po ng TODA kasi sila yung expose sa lansangan kaya nararapat lamang na magkaroon sila ng tamang pamamaraan ng training sa emergency response.” ani ni Dr. Jesus Cardinez, ang kasalukuyang Local Disaster Risk Reduction Management Officer ng bayan ng Asingan.
Ayon kay Clemente Japones, Service Representative – Safety Services ng Philippine Red Cross Pangasinan Urdaneta Branch ang CPR ay isang life-saving skill na madaling matutunan ngunit kung hindi magagawa ng maayos , sa halip na makatulong taong nag-aagaw buhay ay lalo pang lumala ang kalagayan ng pasyente.
“Misconception lalong lalo na sa CPR yung pagbubuga, ang alam nila sisipsipin pero dapat binubugahan natin ang lungs at kino-compress natin, yung hard. Kailangan magpaalam ka muna, Mag consent ka muna bago ka magsi-CPR na sasabihin mo na alam mo mag CPR, marunong ka mag first aid. Para sa ganun ma-gain natin yung trust ng relative na matutulungan mo talaga sila yun ang pinaka importante. Kasi kung hindi ka nagpaalam at may nangyari sa patient mo maari kang idemanda.” pahayag ni Japones.
Samantala ayon kay Dr. Cardinez nakatakdang magsagawa ng RESCUE-LYMPIC sa katapusan ng taon upang makita ang kahandaan ng bawat barangay pagdating ng sakuna.