Asinganians at mga Residente sa Kalapit na Mga Bayan Maari nang Magkaroon ng ‘Rent To Own’ Condo-Type
Inanunsyo na ng lokal na pamahalaan ng Asingan ang mga kwalipikasyon hinggil sa itatayong condo-type na ‘rent to own’ ng national government sa ilalim ng administrasyong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay Asingan Mayor Carlos Lopez Jr., maaaring makapag-avail ang mga indibidwal na miyembro ng PAGIBIG at may kakayahang bayaran ang buwanang hulog na mahigit P4,000 sa loob ng 30 taon.
“Ito na po yung oportunidad para magkaroon po tayo ng sariling bahay sa pamamagitan po ng PAGIBIG fund. Dahil approve na po tayo sa Department of Human Settlements [and Urban Development] na nabigyan po tayo ng minimum na 800 units,” pahayag ng alkalde.
Bukod sa mga residente ng Asingan, maaari rin makakuha ng pabahay ang mga nakatira sa kalapit na mga bayan.
Inaasahan na ngayong taon sisimulan ang pagpapatayo ng nasa siyam na gusali na may apat na palapag bawat isa.
“Pag mabilis yung paggawa nila ng mga plano, pag estimate ng mga buildings, sabihin natin it will take one or two months ma-present na nila. Kapag napili na natin si contractor within the year, kakayanin na may masimulan na tayo na building,” ani Sherwin Patanao, Focal Person ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH) ng Rehiyon Uno.
Ang 4PH ay isa sa mga pangunahing proyekto ni Presidente Marcos Jr. na may layong mabigyang ng disenteng tahanan ang bawat pamilyang Pilipino na nangangailangan ng maayos na matitirhan.
“Sa totoo lang magandang programa ito ng ating Pangulo, kasi nga ma-aadress na natin lahat ng backlog ng housing natin. And then tutulungan pa natin yung mga borrowers natin na miyembro na rin ng PAGIBIG na magkaroon na rin ng sariling bahay at affordable po siya,” saad ni Ferdinand Jacildone, Chief Division III ng PAGIBIG Region 1.
Sa mga interesadong gustong kumuha ng murang pabahay ay maaring kumuha ng application form sa Mayor’s office hanapin lamang si Angel Bolante.
Kasunod po nito ay anunsyo kung kailan ang iskedyul ng interview ng Housing Committee.