ASINGAN BUSINESS ONE-STOP SHOP, MULING BINUKSAN; PAGPATAW NG LIMANG PORSYENTONG TAAS BUWIS, HINDI NA MUNA PINATUPAD
Binuksan na muli ngayong araw ng lokal na pamahalaan ng Asingan ang Business One-Stop Shop (BOSS). Sa pamamagitan nito ay mapapabilis ang proseso sa pagkuha ng mayors permit maging ang pagrerenew ng permit ng mga may-ari ng negosyo.
“Pwede na po kayong pumunta dito sa One Stop Shop. Dalhin niyo lang po yung assessment noong 2020, cedula, barangay clearance, magdala na din po kayo ng inyong dumi at plema para diredirecho na po for sanitary inspection then kung meron kayong X-ray much better po mas madali then priority po yung mga senior citizen na pupunta dito” ayon kay Licensing Officer Myla Deguzman.
Hinihikayat naman ng Municipal Treasurer na si Imelda Sison ang mga business owner na magtungo sa venue upang maranasan ang maaliwalas at maayos na business transaction.
“Noong naupo si Mayor Lopez nagpagawa na siya talaga ng opisina ng BOSS. Maluwang na may TV, may aircon may upuan, libre ang kape” saad ni Sison.
“Ok po ngayon, very accomodating po ang mga staff, magagalang po sila” pahayag ni Lory Argueza, may ari ng Agri trading at limang taon ng namumuhunan sa Asingan.
Pinaalalahanan din ni Sison ang mga tax payer na mag-renew na ng business permit at magbayad ng buwis bago sumapit ang Enero 20 ng taong kasalukuyan para hindi aniya mapatawan ang mga ito ng penalty.
“Kahit may pandemic mag renew na sila, mayroon naman consideration na ibibigay ang treasurers office dahil alam namin na kung ano nangyari last year. Kakausapin lang naman kami na i-explain nila kung bakit yun lang ang gross sale nila or gross reciept ng previous year mauunawaan naman namin sila. Ang importante meron silang hinahawakan sila na mayors permit” dagdag ni Sison.
Ayon sa Section 88.04 ng Revenue Code ng Asingan ay mapapatawan ng penalty na dalawampu’t limang porsyento (25%) kung hindi babayaran at karagdagang dalawang posyento sa bawat buwan na hindi mababayaran.
Nasa P4.5 milyon piso naman ang buwis na nakolekta mula sa isang libo’t tatlong daan na negosyo noong nakaraang taon.
“Ako po’y personal na nagpapasalamat sa inyo at nagkaroon kayo ng kumpiyensa sa aming bayan, kasi ang Asingan po ay isang peace loving town. Makakaasa po kayo na ang lokal na pamahalaan ay kasama po ninyo para mapaganda ang inyong mga negosyo dahil sa Asingan po bawal ang kotong” ayon kay Mayor Carlos Lopez Jr.
Romel Aguilar / JC Aying