NUTRISYON PARA SA MGA BUNTIS AT BATA PRAYORIDAD NGAYONG PANDEMYA; LGU ASINGAN MAMIMIGAY NG LIBRENG BUNTIS KITS
Maagang namulat sa pagpapamilya si Virginia Olan na tubong Batangas at kasalukuyang naninirahan sa Asingan. Dise sais anyos siya nang isilang ang panganay sa tatlong anak, sa unang kinasama, isa rin siyang biktima ng domestic violence.
Taong 2018 ng magkaroon muli si Virginia ng anak sa bagong kinakasama, na meron ding tatlong anak sa unang kinasama.
Kakaumpisa lang ngayong magtrabaho bilang construction worker ang mister ni Virginia sa Tarlac habang siya naman ay naglalako ng mais na kumikita lamang ng P180 kada ubos ng paninda, kulang na kulang kung tutuusin dahil ang perang kinita, sapat lang upang maipambili ng limang kilong bigas na pinagkakasya sa tatlong araw, hindi pa kasama dito ang uulamin.
“Tanghalian at gabihan lang po [kumakain] kasi tinitipid ko lang po para magkasya, paputol putol po sa umaga wala na po. Mahirap po mag isip kasi may mga anak po ako dito tapos may anak po ako sa tatay ng unang asawa ko po.” ani ni Virginia.
Sa datos ng Rural Health Unit noong nakaraang taon, nakapagtala ang bayan ng Asingan ng pitumpu’t limang kaso (75) o 1.4% na mga batang malnourished o kulang sa timbang mula sa anim na libo tatlong daan animnapu’t tatlong (6,363) na mga bata na nasa edad limang taon pababa, kabilang dito ang mga anak ni Virginia.
“Bale on-going yung distribution po natin ng multi vitamins para sa mga underweight children at saka kasali ang day care pupils mula sa ng 21 barangays at yan yung patuloy na ginagawa pa din natin.” ani ni Municipal Nutrition Action Officer at Nurse III Nita Lopez.
Ngayong buwan ng Hulyo ay ipinagdiriwang ang 47th Nutrition Month na may temang “Malnutrisyon Patuloy na Labanan, First 1000 Days Tutukan”.
Layunin ng programa pagtuunan ang kalusugan ng mga bata at mga buntis.
Kaugnay nito, mamimigay ang RHU Asingan ng Buntis Kit na magagamit ng mga inang nagdadalang-tao sa kanilang panganganak kapag sila ay pumasa sa criteria ng tanggapan.
Ang naturang kits ay naglalaman ng alcohol, baby oil, sabon, bulak, diapers, panjama, sleeveless, short sleeve, long sleeve, mittens, bonnet at medyas.
Ayon kay Lopez, isa sa qualification ay dapat limitado ang kapasidad o walang kapasidad ang isang nanay na makabili ng mga pangangailangan.
Buwan ng Mayo ngayong taon ng sinimulan muli ng Lokal na Pamahalaan ng Asingan sa pangunguna ni Mayor Carlos Lopez Jr. at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ang feeding program na target mabigyan ang nasa limang libong mga bata.
“By Thursday as our commitment, magbibigay tayo uli ng mga vitamins sa mga day care students at pati yung mga malnourish na mga bata yun yung pupuntahan natin para bigyan. For next year sinasabi ko nga i will try to fund yung zero to six years old na support ng LGU sa lahat ng magbubuntis. Sana kayanin natin yun lahat siguro sa una 30 percent muna, kasi binabalak natin na magkaroon ng additional na doctor sa ating munisipyo.” pahayag ng Alkalde.
Romel Aguilar / photo JC Aying