3 CENTENARIAN MULA ASINGAN, NABIGYAN NG TIG-100K PESOS
Nabigyan ang tatlong centenarian sa bayan ng Asingan ng cash incentives na tig-isang daang libong piso mula Department of Social Welfare and Development Field Office 1.
Ito ay sina Lola Leonara Acosta ng Barangay Cabalitian, Lola Augustina Casio ng Barangay Domanpot at Lolo Benjamin Benglayon ng Barangay Sobol.
“Ang ibinibigay po natin sa kanila ay yung ating tinatawag na cash incentive mula po sa ating RA 10868 or yung ating Centenarians Act of 2016 na nagsasabi na lahat po ng senior citizen na makakaabot ng 100 years old ay mabibigyan ng cash incentive, buhay man or namayapa na, basta siya ay Pilipino, andito man siya sa Pilipinas o nasa abroad.” ayon kay Darwin Chan, ang Information Officer ng DSWD-1.
“For example, nakasubmit siya ng document [na] 100 years old na siya or mapapatunayan na 100 years old siya eh namatay, ibibigay pa din natin yung 100,000 sa immediate family niya.” saad ni Chan.
Paliwanag nito, isa sa requirement para makatanggap ng cash incentive ay mapatunayan na isang daang taong gulang na ang indibidwal gaya ng birth certificate galing sa Philippine Statistics Authority o Civil Local Registrar.
“Paano kapag wala silang maipakitang [dokumento], kasi kung maalala natin meron tayong mga katutubo noon na based doon sa kanilang ritual ay hindi kailangang i-register di ba may mga ganun na issues. Wala silang mga birth certificate or kaya yung iba naman nasunog or nawala talaga yung kanilang document so anong ipapakita nila? Ito ay sa pamamagitan ng pag aattest ng dalawang sa pinakamatandang tao sa community nila na itong tao na ito ay 100 years old nuh, hindi dapat connected sa centenarian. Pero kapag wala na naman ito ang last option natin is dental or bone examination na mag aattest na sila ay 100 years old” dagdag ni Chan.
Personal na iniabot ang cash incentives ng mga kawani ng MSWD Asingan sa pangunguna ni Mrs. Teresa Mamalio, Office of The Senior Citizen Affairs (OSCA) Head Phaz Jover, Congressman Tyrone Agabas, dating Congresswoman Marlyn Primicias-Agabas at Mayor Carlos Lopez Jr.
Kinilala ang mga centenarian sa pamamagitan ng resolusyon mula sa Sanggunian Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Heidee Chua at mga miyembro ng SB.
Sa kabuoan, walong daan at dalawampu’t limang lola’t lolo na nabigyan ng cash incentives mula pa noong 2016 hanggang sa kasalukuyan sa Rehiyon 1.
Romel Aguilar (Photos by Eileen Sonaco-Serafica)