MGA LGU SA PANGASINAN, MAY SAPAT NA BAKUNANG MATATANGGAP SA GOBYERNO; BAYAN NG ASINGAN HUMILING NG DAGDAG NA TULONG KONTRA COVID 19 KAY SEC. NOGRALES
Tiniyak ni Cabinet Sec. Karlos Nograles, ang Co-Chairperson ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), sa kanyang pagbisita sa lalawigan ng Pangasinan kamakailan na may matatanggap ang bawat local government unit o LGU na bakuna kontra Covid 19.
“Sabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, we are currently in negotations. Final stages of negotations with seven companies. Pfizer, AstraZeneca, binigyan na ng Emergency Use Authorization ng FDA kaya i-expect na natin na dadating sa bansa this February, the initial batches of Pfizer and initial batches of AstraZeneca from our WHO Pro-Vaccs Facility. Sigurado po ang allocation and I will make this guarantee on beyond of IATF. Hindi po kami magkukulang sa aming pag roll out sa buong probinsya ng Pangasinan.” pahayag ni Sec Nograles.
Target na makuha ng gobyerno ang kabuoang 140 million doses para sa 70 million na Pilipino ngayong 2021.
Base sa National Immunization Technical Advisory Group, prayoridad na mabakunahan ang mga health care workers, uniformed personnel, social workers, senior citizens, guro, at indigent population.
“National government will set the rule and guidelines but when in comes to implementation it is really the LGUs that matter . Malaki ang aming kumpiyansa sa mga LGU. Malaki ang ating hope that the vaccination will be done correctly because ang mga LGUs ay sanay naman po diyan sa mga immunization program ng ating national government so with the same set-up ganun din po ang gagawin natin for Covid 19. Aasa at aasa po tayo sa LGUs for the success of the roll out.” saad ni Sec. Nograles
“Kailangan maintidihan natin na ito lang ang tanging paraan para matapos na po itong bangungot na ito na ang tawag ay Covid 19. Hindi natin masusugpo ito kung hindi po tayo magpapabakuna” dagdag nito.
Samantala sa ginaganap na Presidential Communications Operations Office (PCOO) Roadshow sa lungsod ng Dagupan ay humiling ang lokal na pamahalan ng Asingan dagdag na supporta sa opisina ni Sec. Nograles.
“Ang kahilingan natin madagdagan yung fund natin. Unang una yung mga PPEs, pangalawa mabigyan tayo ng pasilidad para gawin nating isolation area tutal meron naman tayong available lot kaya yan yung hinihingi natin sa National Government na mabigyan tayo ng pondo para sa paggawa ng facility na mas maganda. Para yung mga asymptomatic, diyan na sa facility natin mailagay para mai-separate natin sila sa kanilang pamilya at maiwasan ang local transmission, yun sana ang best effort natin.” ani Mayor Carlos Lopez Jr.
Maliban kay Sec Nograles ay dumalo sa PCOO Roadshow sina PCOO Usec. Atty. Kristian Ablan, PCOO Asec JV Arcena at Bureau of Communications Services Dir. Pebbles Duque .
Nagpakita rin ng suporta si Dagupan City Mayor Brian Lim, Lingayen Mayor at LMP-Pangasinan Chapter President Mayor Leopoldo Bataoil at Board Member Jeremy Agerico Rosario na kumatawan kay Gov. Amado Espino III.
Romel Aguilar / JC Aying