LOKAL IATF, PAG-UUSAPAN PA ANG EDAD NG PWEDENG LUMABAS SA BAYAN NG ASINGAN
Bukas araw ng martes ay nakatakdang magpulong ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) – Asingan upang talakayin ang ilan sa mga karagdagang modified guideline kabilang ang IATF Resolution 79, na nagtatakda ng edad na maaaring lumabas ng bahay.
Matatandaan na noong nakaraang Biyernes ay inihayag ng Malacañang na edad 15 hanggang 65 taong gulang na ang pinapayagang lumabas ng bahay ng IATF-National.
Sa pahayag ni Mayor Carlos Lopez Jr ay kanyang inaantay ang magiging desisyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan patungkol dito.
“Yung 65 years old, ok yun walang problema kasi responsible enough na sila pero yung sa 15 [years old] kailangan gumawa ng guidelines yun, binigyan naman ng authority ang National IATF ang mga LGU na kami ang magdedesisyon regarding sa 15-22 years old.” ayon sa alkalde.
Maalala na inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na binigyan ng kapangyarihan ang local government units na magtakda ng mas mataas o mas matandang edad para sa mga menor de edad na maaaring lumabas.
Sa pulso ng bayan, pabor ang ilang mga kababayan hinggil sa bagong age restriction.
Ayon sa tatlumpong limang taon gulang na si Louie Perez, isang buko vendor, ay pabor siya sa naging pasya ng National IATF.
“Para sa akin sir pabor na rin eh kasi matagal na stress yung mga tao sa bahay, kasi yung iba gusto nang lumabas para makapag enjoy na rin kasi matagal na rin walang kita yung iba, parang kami sir apektado kami na nagbebenta dahil walang masyadong tao.” saad ni Perez.
Nakahinga naman ng maluwag si Nanay Marilou Orpilla ng Barangay San Vicente East matapos marinig ang balitang ito.
“Pabor po ako kasi minsan di ba pag may limit ang edad paano kung may ibang gagawin kami na mga magulang dapat yung anak na lang mautusan mamalengke di po puwede, maisa-sacrifice mo yung ibang gawain.” pagbabahagi ni Orpilla.
Sang-ayon din dito ang magkaibigang Eljay Samson ng Barangay Bantog at Raquel Bondad ng Carosucan Sur ngunit dapat ay itaas sa edad labing walo at hanggang limangpu’t walong taong gulang lamang ang papayagang makalabas.
Romel Aguilar / JC Aying