BAYAN NG ASINGAN NAKAPAGTALA NG TATLONG PANIBAGONG KASO NG COVID 19
Nakapagtala ng tatlong panibagong kaso ng COVID-19 ang bayan ng Asingan kahapon. Ayon sa ulat ng Provincial Health Office, sila ay mula sa sa Purok Tibker ng Barangay Domanpot.
Nakatakda umanong umuwi sa abroad ang magkakamag-anak kung kaya’t sumailalim sila sa swab testing sa isang ospital sa Dagupan noong Setyembre 22. Subalit lumabas sa resulta ng swab testing na positibo ang mga ito sa COVID-19.
Pasado alas kwatro kahapon ay nailipat na ang tatlong COVID-19 positive sa isolation facility dito sa Asingan.
Agad namang nagsagawa ng contact tracing kung saan siyam na katao ang sumailalim sa swab testing kaalisabay nito ang pag-disinfect sa lugar.
Isinailalim na rin sa lockdown ang isang compound sa Purok Tibker habang pansamantala muna na sarado sa publiko ang barangay hall ng Domanpot.
Namigay rin ng relief packs sa mga apektadong pamilya ang lokal na pamahalaan ng Asingan sa pangunguna ni Mayor Carlos Lopez Jr bilang karagdagang tulong.
Sa ngayon ay umakyat na sa labing tatlo ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Asingan.
Pinapayuhan naman ang ating mga kababayan sa Asingan na maging mahinahon, responsable at maingat sa pagharap COVID-19.
Muling binigyang diin ng lokal na pamahalaan ng Asingan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga payo o advisories na ibinibigay ng Asingan Inter-Agency Task Force, kasama ng mga panuntunan o guidelines na ipinapatupad ng ating gobyerno.
Romel Aguilar / JC Aying / Rome Bagood