Pormal ng pinasinayaan ang groundbreaking ceremony at capsule laying para sa konstruksyon ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa barangay Carosucan Norte sa bayan ng Asingan na sisimulan sa unang quarter ng 2024.
Ang phase 1 ng proyekto ay may dalawang four-story building na may kabuuang 192 housing units, may sukat na 27-square meters bawat housing unit at ang bawat palapag ay mayroong 24 units.
Isinasagawa naman ng Lokal na Pamahalaan ng Asingan sa ilalim ng Housing Committee, ang pag-validate at interbyu sa mga indibidwal na interesadong kumuha ng murang pabahay.
Kinakailangan lang na ang bawat benipesaryo ay miyembro ng PAG-IBIG. Kada benepisyaryo ay maghuhulog ng P3,600 kada buwan sa loob ng 30 taon, kaya para na lang ding umuupa pero ang kinagandahan nito ay rent to own.
Sa mga nagnanais na mag avail ng programa na ito ay maaring kumuha ng application form sa Mayor’s office.
Target ng lokal na pamahalaan ng Asingan na makapagpatayo ng sampung building o 960 housing units bago matapos ang termino ng Pangulong Marcos Jr.
Ang 4PH ay isa sa mga pangunahing proyekto ni Presidente Marcos Jr. na layong mabigyang ng disenteng tahanan ang bawat pamilyang Pilipino na nangangailangan ng maayos na matitirhan.
Dumalo at nagbigay mensahe sa nasabing aktibidad sina Usec Emmanuel Pineda; Project Office Head ng Department of Human Settlements and Urban Development [DHSUD]; Congresswoman Marilyn Primicias-Agabas; ASEC Daryll Bryan Villanueva, Regional Head ng DHSUD; Engineer Sherwin Patanao, 4PH Regional Focal Person ng DHSUD; Mayor Carlos Lopez Jr.; Vice Mayor Heidee Chua, Tayug Mayor Tyrone Agabas, Rosales Mayor William S. Cezar, Mayor Maria Theresa Rodriguez-Peralta at Natividad Mayor Rosita Rafael.