Official LGU Website of Asingan Pangasinan

Arya Asingan


News and Events

Mga PWDs sa Asingan, Natuto ng Digital Printing

Sep
14,
2023
Comments Off on Mga PWDs sa Asingan, Natuto ng Digital Printing
Mga PWDs sa Asingan, Natuto ng Digital Printing
Taong 2009 nang kinailangang alisin ang kanang mata ni Gilbert Estacio, 46 taong gulang, residente ng Barangay Calepaan, Asingan matapos nitong maaksidente dahilan upang tumigil ito sa pagtatrabaho bilang sales supervisor sa isang kilalang mall.
Ngunit hindi ito naging hadlang upang magsumikap si Gilbert. Siya ay inimbitahan at natuto sa t-shirt printing training-workshop para sa Person with Disabilities (PWDs) ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) sa pangunguna ni MSWD Officer Teresa Mamilio.
Upang maibahagi ang kaalaman, nagturo si Gilbert sa 15 kapwa PWDs sa ginanap na Skills Training on Basic Digital Printing nitong Miyerkules.
“Napakaswerte nila kasi ang nagtuturo sa kanila eh PWD. Kung ano nararamdaman nila raramdam ko rin. Mas willing ako tulungan yung mga PWD kasi yung sabi ko nga kanina na huwag tayong maging pabigat sa ating mga pamilya,” pahayag ni Gilbert.
Natuto ang mga PWDs ng t-shirt, mug, stickers at id lace digital printing sa isinagawang tatlong araw na pagsasanay.
Ayon kay Gilbert, mas napadali ang produksyon ng pag-imprenta dahil sa teknolohiya.
Dagdag pa nito, dati ay dalawa hanggang tatlong araw ang pag-imprenta sa 50 piraso ng t-shirt pero ngayon ay inaabot na lamang ng dalawang oras.
“Dati kasi ilang screen pa yung gagawin namin tapos ihahagod mo siya. Pag hinagod mo iboblower mo siya, papatuyuin mo yung pintura. Unlike ito, once na i-print mo na yung logo, i-heat press mo na siya direct sa damit niya madalian na lang,” pagbabahagi ni Gilbert.
Layon ng MSWD ang iba’t-ibang mga livelihood training program para makahanap ng trabaho at kabuhayan para sa PWDs.
Ayon kay Persons with Disability Affairs Officer (PDAO) Rose Ann Alfonso, nasa 1,200 PWDs sa Asingan na miyembro ng grupo.
Tiniyak naman ni Asingan Mayor Carlos Lopez Jr. ang pagpapasinaya ng dalawang palapag na Asingan Sheltered Workshop para sa mga PWD ngayong Oktubre.

Previous

Next

Comments are closed.

More
To the top