Mga Empleyado ng Munisipyo ng Asignan, Namigay ng School Supplies sa mga Anak ng Job Orders
Notebook, papel at lapis — ilan lang yan sa mga school supplies na nagtaas ang presyo kaya’t problema ito sa bulsa ng mga magulang.
Sa kabutihang kalooban ng Asingan Municipal Employees Association o AMEA, nabahagian ang 21 mag-aaral na pawang anak ng mga job order sa munisipyo.
Isa sa nakatanggap ng school supplies ay si Sam Ivan na anak ni Jonalyn Templo.
“Napakalaking bagay na rin po yun na naibigay po sa amin dahil yung mga nabili ko po para sa kanya po sa school kulang pa po yun, yun po yung idadagdag ko sa school supplies niya po,” saad ni mommy Jonalyn.
Ito na ang pangalawang taon ng pamimigay ng AMEA ng mga kagamitang pang-eskwela sa lahat ng mga anak ng job orders ng LGU Asingan.
“Naisipan ng mga kasama natin na opisyales (AMEA) na kung maari magbigay din tayo ng kaunting tulong para sa ating mga Job Order na may anak na from grade 1 to 3,” pahayag ni Alejandro Torio, Presidente ng AMEA.
Kabilang sa ipinamahaging school supplies ay ang mga sumusunod: padpapers, crayola, sabon, bimpo, eraser at alcohol.
Hanggang sa susunod na linggo ay mamimigay pa rin ang grupo ng libreng kagamitan pang-eskwela para naman sa mga mag-aaral ng Narciso R. Ramos Elementary School SPED Center.