Bayan ng Asingan, Malapit ng Madeklarang Drug Cleared Municipality
Nagsagawa ng dalawang araw na Community-Based Anti-illegal Drugs Advocacy (CBAIDA) Trainings of Trainors ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan sa bayan ng Asingan.
“Ito yung isa sa mga demand reduction activity ng government which aim to train and to educate all the anti drug implementators dito sa ating nasasakupan. At isa ito sa pinaka-requirement na magco-conduct yung bayan before siya ma-declare as drug cleared municipality.” saad ni PDEA Provincial Officer Investigation Agent V Rechie Q. Camacho.
Layon nito na mas palakasin at palawakin pa ang kaalaman at kasanayan ng mga Barangay Anti-illegal Drug Abuse Council (BADAC).
“Para magkaroon sila ng mas malalim na kaalaman kung papapaano susupilin ang iligal na droga sa kani-kanilang mga barangay. Mabibigyan sila ng tamang training para doon sa puntong ligal at saka karapatan ng mga nakaupong barangay officials” pahayag ni Dr. Jesus Cardines ang Focal Person ng Municipal City Anti-Drug Abuse Council (MADAC).
Muli naman nagpaalala si Asingan Mayor Carlos Lopez Jr. sa publiko na huwag masangkot sa paggamit ng iligal na droga.
“Una sa ating mga kababayan huwag sana po nating i-involve ang ating mga sarili sa iligal na droga dahil po nakikita naman po niyo na naging tahimik, maayos at wala na po tayong nakikitang mga biktima ng droga sa ating bayan.” paalala ng alkalde.
Ayon pa kay Mayor Lopez Jr. dapat lalong paigtingin ng barangay officials sa dalawampu’t isang (21) barangay ang pagkakaisa sa pagsugpo sa bawal na gamot.
“Nakuha na natin ang tagumpay ngunit ito’y malaking hamon na i-maintain natin na drug free ang ating munisipyo, drug free ang inyong mga barangay. Pagtulungan po muli natin na, tulong tulong tayo para makuha natin ang tagumpay laban sa illegal na droga.” dagdag ng alkalde.
Sa pinakahuling datos ng PDEA Pangasinan, nasa siyampung (90%) porsyento o nasa isanglibo isandaan at dalawampu’t tatlo (1,123) ang drug cleared barangays sa lalawigan ng Pangasinan.