Maaga pa lang ay sinamahan na ni nanay Lovely Canaveral ang labing limang taong gulang na anak na si Dominic sa opisina ng Commission on Elections o COMELEC-Asingan sa muling pagbubukas voters registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan election sa December 5.
“Ipaparehistro ko po yung anak ko para sa SK po, para po pagdating ng regular voters hindi ko na po siya ipaparehistro pagdating ng araw.” pahayag ni Nanay Lovely mula barangay Cabalitian.
Magtatagal ng halos tatlong linggo ang registration period na nagsimula kahapon July 4 hanggang sa July 23, bukas mula Lunes hanggang Sabado pati na rin sa holiday mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon ang COMELEC Office .
“Any valid id’s coming from the government pwede pero if ever na wala naman silang goverment id, pwede naman isang residente na magco-confirm na sila ay talagang matagal na doon sa barangay na yun.” ayon kay Leny Masaoy, ang Election Officer III ng Asingan.
Kasabay nito ay magdadaos ang COMELEC Asingan ng satellite registration sa ilang mga barangay.
‘Nagka-schedule na ako ng dalawang satellite registration for clustering barangay, Ariston West, Ariston East at Bantog, na gaganapin sa Ariston West bukas. At sa sabado naman gaganapin sa barangay Toboy kasama nila ang Palaris at Sobol.” ani ni Masaoy.
Magkakaroon din ng special satellite registration para sa senior citizens at mga PWD.
Samantala naging makasaysayan ang Election 2022 matapos maitala ang pinakamataas na voter turnout sa automated election sa Asingan.
Nasa 87.20% o 35,232 ang registered voters ang nakaboto noong May 9, 2022.
Magaganap ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa December 5.