Sinong mag-aakala na ang isang dating hair and make-up artist ay sa malawak na bukid na matatagpuan at sumasabak sa pagtatanimn sa Asingan, Pangasinan.
Imbes kasi na ang hawak ay lipstick, lipliners o di naman kaya ay concealer, kartilya, timba at pala ang hila hila ng dalawampu’t walong taong gulang na J.M. Acain ng Barangay Libtong East, Toboy.
Kabilang kasi si J.M sa dalawampu’t limang kabataan na nagsasanay ng Organic Agriculture sa ilalim ng kurso ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng Luzon College of Science and Technology.
“Gusto ko lang po mapag aralan yung mga organic na fertilizer para po mai-apply ko doon sa bahay para hindi na po gagamit ng chemicals sa halaman at sa mga prutas sa lupa namin.” ani ni Acain
Nobyembre ng nakaraang taon pa sinimulan ang pagtuturo ng Organic Agriculture Training sa mga kabataan sa Luzon College of Science and Technology ayon sa trainor nito na si Tina Arzadon.
Paliwanag ni Arzadon, mainam ito ngayong panahon kung saan marami ang gumagamit ng iba’t-ibang kemikal na nilalagay sa pagkain ngunit sa pamamagitan ng organic agriculture ay masisigurong ligtas ang kalusugan at maging ang kalikasan.
“Sa panahon natin di ba medyo marami na yung lumabas na sakit? ngayon kailangan din natin sigurong ibahin yung sistema ng ating pagtatanim dahil nga punong puno na ng chemicals ang mga nakakain natin.” paliwanag ni Arzadon.
Sa farm na ito samu’t saring organic fruits and vegetables ang nakatanim, mayroon sila ritong talong, sili, at iba pang mga gulay.
Pero hindi lang gulay at prutas ang organic sa farm na ito kundi pati na rin alaga nilang native na baboy at manok, ibig sabihin hindi prinosesong feeds ang pinapakain nila rito kundi mga gulay.
Kabilang ang paggawa ng organic fertilizer, hog raising, animal production for poultry-chicken sa mga courses ng nasabing training.
Bukas naman ang publiko ang Luzon College of Science and Technology farm sa mga gustong matuto ng organic agriculture.
“Hindi lang sa kabataan pati na rin sa mga magsasaka na gustong mag shift into organic pwede namin silang matulungan maturuan kung paano yung tamang proceso tamang paggawa ng mga kailangan.” pahayag ni Arzadon.