Nailigtas sa tiyak na kapahamakan ang isang pamilya dahil sa babala ng isang apat na taong gulang na bata sa bayan ng Asingan.
“Yung bata po kasi na anak ni ate sabi po ng sabi na may usok, masakit yung mata niya, tapos nagtataka din po kaming dalawa na wala naman pong usok kasi nagluluto kami sa kahoy. Tapos ilang ulit po siyang nagsabi na may usok may usok tapos nung sumilip kami doon sa loob [bahay] sa may mismong kwarto po namin, nakita ko po yung apoy na parang lumilipat na siya papunta dito sa kabila tapos doon sumigaw sigaw na po kami na may sunog sunog.” ani ni Jessica Esteves.
Nasa labas raw kasi ito ng bahay kasama ang kapatid, nang lapitan sila ng pamangkin na si Guian Ace Jallorina at itinuturo ang bahay.
Batay sa ulat ng Asingan Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-10:55 martes ng umaga nang magsimulang sumiklab ang apoy sa isang tahanan sa barangay Carosucan Norte at pagmamay-ari ni Lito Jallorina.
“Yung bahay is talagang totally damage na, the ceiling mga ganun ang natira na lang yung mga walls kasi nga concrete yung construction materials. So para maiwasan yung pagkalat ng apoy at mas marami damage ang madamay nagtawag tayo ng mga katabi nating fire station like Urdaneta and Villasis.” ani SFO4 Nerissa Montero-Bruan, Municipal Fire Marshall ng BFP Asingan.
Ayon pa kay SFO4 Bruan, nahirapan ang mga bombero sa pag-apula sa sunog na tumagal ng mahigit tatlumpung minuto, dahil sa makipot na daan.
“Ang magandang practice doon sa CAR Norte may bayanihan sila talaga sila kasi di ba maraming pasaway during fire fighting operation na talagang sila yung nakikialam ba, na ang iba inuuna yung pagvivideo. During that time wala talagang gumawa ng ganun instead tumulong sila sa pag apula ng apoy.” dagdag ni SFO4 Bruan
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng BFP Asingan na ang nag-over heat na electric fan ang pinagmulan ng apoy. Nadamay din sa sunog ang dalawang kalapit na bahay.
Sa pagtaya ng BFP, umabot sa pitumpong libong piso ang halaga ng damyos sa nangyaring sunog.
Agad namang nagpaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan partikular kay Lito Jallorina at sa mga nasunugan sa nasabing barangay.
“Nagbigay tayo ng pangunang assistance gaya ng food packs , tinitignan din natin yung materiales na puwedeng ipalit. On going na rin po yung processing ng kanilang financial assistance at tumulong din po si Board Member Ranjit Shahani. Magbibigay din po ng tulong po ng ABONO Partylist at siyempre irereport natin yan kay Congressman Tyrone Agabas para makabigay din po ng assistance.” pahayag ni Asingan Mayor Carlos Lopez Jr.
Paalala naman ng BFP, tiyaking walang mga electronic appliances na maiiwang nakasaksak na posibleng pagsimulan ng sunog.