300 KATAO, TARGET NA MABAKUNAHAN KADA ARAW LABAN SA COVID 19 AYON SA RHU ASINGAN; BAKUNA, DADATING SA UNANG LINGGO NG ABRIL
Nasa huling yugto na ng profiling sa mga barangay at microplanning ng lokal na pamahalaan ang vaccination plan sa bayan ng Asingan.
Kabilang sa prayoridad na mabakunahan ng COVID-19 vaccine ay mga health worker mula sa mga pribado at pampublikong pasilidad, barangay health emergency response team (BHERT), mga senior citizen, indigent population at uniformed personnel.
Sa vaccination plan ng LGU-Asingan, target na mabakunahan ang nasa tatlong daang katao bawat araw sa kada vaccination site at barangay hanggang maabot ang nasa 40,000 na kababayan o pitongpung porsyento (70%) ng bayan.
Napili bilang vaccination sites ang mga paaralan at malalaking barangay hall.
Nakahanda na rin ang Rural Health Unit (RHU) Asingan para sa paglalagyan ng mga bakuna na Vaccine Ref at Cold Storage Room Facility.
“Sa ating mga kababayan, hindi naman gagawin ng gobyerno, hindi gagawin ng WHO kung makakasama sa atin. Ang bakuna ay inintroduce para maiwasan natin ang isang sakit, yung komplikasyon saka yung makahawa tayo ng iba —yun ang purpose ng bakuna. Kaya mga kababayan ko, hinihikayat ko kayo [na magpabakuna] para matapos na itong pandemic. Baka balik na tayo sa normal dapat magpabakuna tayo.” pahayag ni Dr. Ronnie Tomas, Municipal Health Officer ng Asingan.