Kabilang si John Michael Benito, Fire Officer II ng BFP Asingan sa isandaang (100) personnel mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Pangasinan na pinangunahan ni Fire Chief Inspector Bryan Pocyao na ideneploy sa lalawigan ng Abra upang tumulong sa isinasagawang search and retrieval operation, pangangailangan medikal at distribusyon ng relief goods.
Sa kabuoan ay nasa dalawandaan walumpu’t dalawang (282) firefighter ang ipinadala ng BFP Region 1 na nasa ilalim ng pamumuno ni Fire Chief Superintendent Rizza Simbajon at iba pang mga opisyales ng naturang ahensya.
Matatandaan na nitong Miyerkules July 27 dakong alas otso kwarentay tres ng umaga nang yanigin ng may lakas na magnitude 7 ang malaking bahagi ng Luzon.
Naitala ng Phivolcs ang sentro nito sa layong tatlong kilometro hilagang kanluran ng Tayum, Abra sa lalim na labing pitong kilometro.
Paliwanag naman ni Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs) Officer in Charge undersecretary Renato Solidum, posible raw na ang Abra River Fault ang gumalaw at nagdulot ng lindol, paalala niya sa publiko huwag magpanic kung patuloy ang after shocks na pwedeng tumagal sa mga susunod na linggo.