Hindi matatawaran ang katangian ng mga pinoy sa pagpapahalaga sa alaala sa mga yumaong mahal sa buhay.
Ang ilan kahit maraming taon ng pumanaw ang mga dinadalaw sa sementeryo, buhay na buhay pa rin ang kanilang pagmamahal sa mga ito.
Katulad na lamang ni Dr. Erwin Reyes-ULep na pabalik balik sa pagdalaw tuwing araw ng biyernes sa kanyang yumaong asawa, anak, kapatid at mga magulang.
“Regularly I pay a visit, keep praying for the eternal rest of their soul, not only for my dearly departed parents, my wife and child, but also to the rest of my relatives, my Lola and my Lolo. Pero ang pinakamahalaga yung tuloy-tuloy na pag aalay ng misa at pagdadasal para magkaroon ng katahimikan ng kanilang mga kaluluwa.” ani ni Dr. Ulep.
Abala na rin ang tatlumpu’t anim na taon nang sepultererong si Eduardo Ripa at ang pamangkin na si Jover Escorpiso sa paglilinis at pagtatabas ng damo sa paligid ng municipal cemetery.
Naabutan naman namin si Antenor “Andi” Patotoy na abala na rin sa paggawa ng lapida na nagkakahalaga mula sa 500 pesos hanggang 1,500 pesos.
“Ito seasonal lang sir eh halimbawa mga ganito piyesta ng patay may mga nagpapagawa, mangilang ngilan lang ang ginagawan ko.” ani ni Mang Andi.
Sa ngayon ay nasa mahigit kumulang sa 10,000 na pumanaw ang nakahimlay sa Municipal Public cemetery, kabilang ang mga dating Mayor na sina Francisco Sapigao Sr., Felixberto Ramos, Dario Navarro at ibang pang kilalang personalidad.