Kinabibiliban ngayon ang isang bata mula bayan ng Asingan na hanep kung maglaro ng table tennis, dahil sa edad na lima eh pinataob lang naman ni Lawrence Adrian Ducusin ang mga kapwa manlalaro sa 9 years old under category sa isinigawang elimination round ng Batang Pinoy 2022 Pangasinan qualifying leg na ginanap namam sa Narciso Ramos Sports and Civic Center sa bayan ng Lingayen kamakailan.
Kwento ng ama ni Lawrence, tatlong taong gulang pa lamang ng mag aral sa larong table tennis ang kanyang anak.
“Noong 3 years old siya pumapalo na siya pero hindi ko pa siya tinuturuan dahil medyo maliit pa siya, so noong mga 4 years old na doon ko na siya sinimulan na turuan. Nagkaroon ng interest dahil doon sa club po namin, katabi lang ng bahay namin. Kaya tuwing lalabas ng bahay, nakikita niya yung maraming batang na naglalaro, doon na rin siya simulang maglaro ng maglaro.” saad ni Fernando Ducusin Jr.
Hindi naman akalain ni Mariane Jennifer na ang kanilang nag iisang anak na si Lawrence kasama ang pito pang taga Asingan ang maglalaro upang irepresinta ang lalawigan ng Pangasinan.
“Masayang masaya po ako dahil nakuha po yung anak ko lalo na po eh kabata-bata pa, sobrang supporta po namin sa totoo nga po eh excited po kami magpunta po sa Vigan.” ani ni Mariane.
Ang Team Asingan (Table Tennis) ay kinabibilangan ni Justine Jonathan Jover, Dexter Velasco, Rhiyana Balisacaan, LA Ducusin, RJ Apalla, Daren Apalla, Anton Balicasan at Ruth Pedrosa.
“Hinahangaan ko yung mga batang yun, so bilang tugon sa ating programa sa sports tutulungan natin sila. We provide support sa kanilang team kasi ito’y karangalan din ng ating bayan kung sila ay makarating at marepresent nila ang ating bayang Asingan. ” pahayag ni Mayor Carlos Lopez Jr.
Isasagawa ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Philippine National Youth Games-Batang Pinoy sa Disyembre 4-10 sa Vigan City, Ilocos Sur.