Para maenganyo ang mga batang nasa 5 to 11 years old na magpapabakuna, mala-Children’s party theme ang inihanda ng lokal na pamahalaan ng Asingan.
Bukod sa makulay na venue ay may mga mascot pa na naghatid ng saya at namimigay ng libreng regalo sa mga bata.
“Ito po yung ginawa ng LGU na gumawa po tayo ng gimik para po mahikayat yung mga bata at yung mga magulang na bigyan ng proteksyon ang kanilang mga anak dahil nakita po natin na dahil po sa bakuna talagang nag subside na po iyong epekto ng corona virus na ito.” ani ni Asingan Mayor Carlos Lopez Jr.
Kabilang sa nabakunahan ngayong araw ang kambal na anak ni Emilita Magno mula Barangay Ariston West na sina Erlinda Mae at Marina Mae.
“Talagang gustong gusto ko po dahil siyempre ang hirap lalo ngayon sir mas maganda yung naproproteksyon sila sa virus, mas maganda talaga yung bakuna para malaya silang nakakalabas sa bahay. Para na rin sa kalusuguan nila para makaiwas sa Covid at saka para maibalik na rin ang face to face. Kasi number one na requirement po yan eh baka sakaling ibalik yung face to face sa eskwelahan nila.” saad ni Magno.
Nasa animna libo pitong daan walumpo’t anim (6,786) na Resbakuna Kids ang target mabakunahan ayon kay ni Municipal Health Officer Dr. Ronnie Tomas.
Dagdag pa ni Mayor Lopez Jr na boluntaryo ang pagpapabakuna ng magulang sa kanilang anak.
“Kung ayaw po niyo pabakunahan ang inyong mga anak rerespituhin ko po yun, pero kung kusang loob naman po kayong pupunta dito, maraming maraming salamat po atleast mabigyan po natin ng magandang proteksyon laban sa covid 19 ang ating mga anak.” pahayag ni Mayor Lopez Jr.
Ipinaabot naman ni alkalde nag lubos ng pasasalamat sa mga nakiisa sa pagsasayos ng Asingan Sport Complex para sa Resbakuna Kids.
“Salamat po sa mga staff po natin lalong lalo na sa pangunguna ni Dr. Ronnie Tomas, ni miss Malou Torio, ni miss Nita at yung lahat ng nagcontribute kagabi, para maiprepare itong ating gymnasium para po sa ating launching ng resbakuna para po sa ating bayang Asingan.” dagdag ng alkalde